Sabado, Disyembre 17, 2016

Campanario de Dumaguete : the oldest Belfry in Visayas

Ang Dumaguete ay kilala bilang "The City of Gentle People" na kung saan, isa ito sa pinupuntahan ng mga turista sa bansa. Kilalang kilala sa lugar na ito ang tinaguriang Bell Tower na itinayo noong 1811. Tinayo ito sa panahon ng mga Kastila at nagsilbing "watchtower" ng mga DumagueteƱo upang maipagtanggol nila ang kanilang mga sarili sa kapahamakan dulot ng mga mananakop na Moro. Sila ay nagtangkang sumakop at dumukot ng mga mamamayan upang maging alipin. Dahil sa pangyayaring ito, Ang Bell Tower ay nagsilbing simbolo ng lungsod ng Dumaguete. Palatandaan ng karanasan ng ating mga ninuno.
Ang Campanario de Dumaguete o mas kilalang Bell Tower ay ang pinakalumang Belfry sa probinsiya ng Negros Oriental. Ito ay napakataas at mala-higante kung tingnan. Mayroon itong groto ng "Our Lady of Perpetual Help" at maliit na hardin sa lilim nito. Matatagpuan ang Bell Tower sa kalye ng Perdices malapit sa "St. Catherine of Alexandria Cathedral Church" na tapat ng Quezon Park. Malapit din ito sa kumbento. Sa gilid nito, mayroong mga maliliit na tindahan na nagbebenta ng mga kandila, rosaryo at iba pang panrelihiyong gamit.
Masasabi itong prestihiyusong dapat ipagmalaki. Pinakatanyag na estruktura ng arkitektura at ito ay naging parte ng kasaysayan. Hanggang ngayon, marami parin ang dumadayo. Mga dayuhan man o taga ibang probinsiya. Nagsisindi ang mga tao ng kandila sa tapat ng groto at higit sa lahat, taimtim na nagdadasal sa kani-kanilang panalangin sa poong Maykapal. Magandang puntahan ito kapag kasama ang buong pamilya at mahal mo sa buhay. Lalong lalo na tuwing linggo kapag magkakasamang nagsisimba at didiritso na sa Bell Tower pagkatapos ng misa.

PAANO PUMUNTA?
 * Mula sa Dumaguete Airport o sa Sea Port ng Dumaguete, sumakay ng traysikel patungong Dumaguete Bell Tower, 10 minuto lang ang biyahe.
* Kung gusto mong magpasyal, mas maigi kung maglakad, mula sa piyer, magbaybay sa Rizal Boulevard hanggang Bethel. Lumiko ng pakanan sa kalye ng Legaspi. Pagdating sa kalye ng Perdices, lumiko ng pakaliwa. Mga ilang metro nalang, makikita mo na ang Bell Tower.